Salmo 29

1 Kilalanin na si Yahweh— kayo na mga anak ng makapangyarihan— kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan!

2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan.

3 Ang tinig ni Yahweh ay naririnig sa ibabaw ng mga katubigan; dumadagundong ang Diyos ng kaluwalhatian, dumadagundong si Yahweh sa ibabaw ng katubigan.

4 Ang tinig ni Yahweh ay makapangyarihan; ang tinig ni Yahweh ay kamangha-mangha. Ang tinig ni Yahweh ay nakawawasak ng mga sedar;

5 Ang tinig ni Yahweh ay napagpipira-piraso ang mga sedar ng Lebanon.

6 Pinalulukso niya ang Lebanon tulad ng isang guya at ang Sirion tulad ng isang batang baka.

7 Bumubuga ng lumalagablab na apoy ang tinig ni Yahweh.

8 Ang tinig ni Yahweh ang yumayanig sa ilang; si Yahweh ang yumayanig sa ilang ng Kades.

9 Ang tinig ni Yahweh ang nagdudulot na manganak ang babaeng usa; kinakalbo nito ang mga gubat; pero sa kaniyang templo ang lahat ay nagsasabing, “Kaluwalhatian!”

10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman.

11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.

Pagbilang ng Hebreo, ang pinakaginagamit sa mga Bibliya at paghahanap. Sa liturhiya Katolika (pagbilang ng Griyego), ang salmong ito ay maaaring lumabas na may mas kaunting numero sa pagitan ng 10 at 147.

← Salmo 28 Salmo 30 →